Truck vs PUJ: 4 dedo, 8 kritikal
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Apat-katao kabilang ang tatlong babae ang kumpirmadong nasawi samantalang walong iba pa ang sugatan makaraang magsalpukan ang cargo truck at pampasaherong jeepney sa highway ng Calauan, Laguna, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director ang mga namatay na sina Marjorie De Rosas, Krizell Arjona, Concepcion Daizon at ang jeepney driver na si Rogelio Butayan na pawang nakatira sa Laguna.
Malubha namang nasugatan sina Jeanette Aquino, Eduardo Escario, Arceli Leonardo, Jingle Galang, Albert Darang, Julian Alon, Lexi Bintagao, at si Aira Teoxon, na naisugod sa Laguna Provincial Hospital at Los Baños Hospital.
Ayon sa police report, binabagtas ng Isuzu Forward truck (RFD-675) ni Donato Retrato ang kahabaan ng highway sa Purok 1, Barangay Bangyas nang mag-overtake ito at sumalpok sa kasalubong na pampasaherong jeepney (DXD-926) ni Butayan bandang alas-8:36 ng gabi.
Bagamat sugatan din, sumuko naman ang driver na si Retrato sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Calauan para harapin ang kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to properties.
- Latest
- Trending