MANILA, Philippines – Dinukot ng sampung armadong kalalakihan na pinaghihinalaang mga bandidong Abu Sayyaf ang isang doktor na Hapones na mahilig mag-treasure hunting sa naganap na insidente sa Brgy. Bangkilay, Pangutaran, Sulu nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Chief Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino ang biktimang si Amer Katayama Mamaito, kilala ng mga residente sa lugar na si ‘Dr. Amer’.
Ayon kay Dolorfino, naganap ang pagdukot sa biktima sa Sitio Bas, Brgy. Bangkilay, Pangutaran, Sulu bandang ala-1 ng hapon.
Sinabi ni Dolorfino na sa kasalukuyan ay ini-establisa pa ng AFP-Joint Task Force Comet sa pamumuno ni Marine Brig. Gen. Rustico Guerrero ang pagkakakilanlan sa mga kidnappers bagaman hindi inaalis ang posibilidad na kagagawan ito ng mga bandidong grupo.
“ We are still investigating the case to determine the suspects in the kidnapping of the victim who claimed to be a doctor, the kidnappers are still being pursued”, pahayag ni Dolorfino sa phone interview.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Dolorfino na ang biktima na nagpakilalang doktor na may klinika sa Zamboanga City ay nagpapabalikbalik sa Pangutaran-Zamboanga City simula pa noong 2004 hanggang sa makidnap ito.
Nabatid na naging kaibigan nito si dating Pangutaran Municipal Councilor Malik Lakibul hanggang sa magdesisyon itong lumipat ng tirahan sa Pangutaran nito lamang nakalipas na buwan kung saan dito ito nagtayo ng klinika at nagbebenta ng ‘generic medicines’ sa murang halaga.
Ang nasabing biktima ayon pa kay Dolorfino ay nagpa-convert na rin umano sa Islam. Nabatid pa na libangan ng biktima ang mag-treasure hunting sa kagubatan ng Pangutaran.