School president, 4 pa kalaboso sa kasong P11-milyong estafa
LAGUNA, Philippines — Kalaboso ang binagsakan ng limang opisyal ng kolehiyo matapos kasuhan ng mga estudyante sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna.
Kabilang sa mga kinasuhan ng large scale estafa at llegal recruitment at ngayon ay nakakulong ay sina David Sobrepeña, presidente at may-ari ng Union College sa Sta. Cruz, Laguna; Monalisa Dabao, vice president; Deobela Fortes, director ng career and placement office; finance officer ng eskwelahan na si Polixema Adorada at si Lirio Corpuz, office assistant.
Ayon kay P/Supt. Marvin Saro, hepe ng pulisya sa bayan ng Sta. Cruz, nag-ugat ang pagkakaaresto sa mga suspek matapos mabigong isauli ang P11 milyong nakolekta sa mga estudyante bilang kabayaran sa training at placement fee.
Napag-alamang nangolekta ang eskwelahan sa mga estudyante ng $2, 500 hanggang $3,500 para sa skills training at tig-P15,000-P20,000 bilang kabayaran naman sa language training noong 2008 kapalit ng trabaho sa Canada.
Subalit nakalipas ang ilang taon, hindi pa rin napaalis ang mga estudyante kaya nagsampa ng demanda ang mga estudyante laban sa mga opisyal ng kolehiyo.
Nagpalabas naman ng warrant of arrest si Judge Cynthia Ricablanca ng Sta. Cruz Regional Trial Court Branch 27 kung saan magkakasunod na inaresto ang mga opisyal.
“Masaya kami dahil naaresto na rin ang mga nanloko sa amin, sana naman maisoli rin sa amin ang ibinayad namin para sa placement at trainings kasi inutang lang namin ang halagang yon” ani Adelo Carandang, isa sa mga biktima
Napag-alamang naka-ospital arrest si Sobrepeña matapos makaranas ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga habang, nakakulong naman ang iba pang suspek.
- Latest
- Trending