Aktibistang guro nilikida
BATAAN, Philippines — Nagpapatuloy ang extra-judicial killings sa bansa matapos na isa na namang aktibistang guro at lider ng Association of Concerned Teachers ang pinagbabaril ng dalawang armadong lalaki na lulan ng motorsiklo sa bahagi ng Barangay Tenejero sa Balanga City, Bataan kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Arnel Amor Libed, Bataan PNP director, ang napaslang na si Josephine Estacio, 46, guro sa Tenejero Elementary School at nakatira sa Doña Maria Subd. sa nabanggit na barangay.
Si Estacio ang ika-5 biktima ng extra-judicial killings sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pamamaslang habang ang biktima ay papasok ng gate ng nabanggit na school kung saan may mga mag-aaral na nasaksihan ang krimen.
Nagawa pang maisugod ang biktima sa Bataan General Hospital pero nabigo na itong maisalba dahil sa maselang tama ng bala sa leeg na tumagos sa ibabang bahagi ng teynga.
Noong Biyernes ng Hulyo 9 ay isa ring guro at miyembro ng ACT na si Mark Francisco, 27, ng San Isidro Elementary School ang pinagbabaril at napatay sa Barangay Malibas, sa bayan ng Palanas, Masbate.
Samantalang napaslang din ang lider ng Anakpawis Party-list na si Pascual Guevarra sa bayan ng Laur, Nueva Ecija.
Pinaslang din ang dating brodkaster na si Jose Daguio ng Radio Nation sa Tabuk City, Kalinga habang si Francisco Baldomero, provincial coordinator ng Bayan Muna ay pinatay sa bayan ng Kalibo, Aklan noong Lunes ng Hulyo 5.
Samantala, nasa kritikal pa ring kondisyon ang ika-6 biktima ng extra-judicial killings sa Iriga City na si Miguel Belen, radio announcer ng DWEB FM kung saan pinagbabaril sa bayan ng Nabua, Camarines Sur noong Biyernes ng gabi. (With trainees Rafael Zapanta/Mary Ann Chua/Mary Joy Mondero)
- Latest
- Trending