Hapones arestado sa pangangalunya
BULACAN, Philippines — Rehas na bakal ang binagsakan ng isang Hapones makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection-Bulacan sa kasong pangangalunya na isinampa ng kanyang misis sa bayan ng Balagtas, Bulacan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Wilharmina Melanio-Arcega ng Balagtas Municipal Trial Court, Bulacan, nadakma si Kunihiro Iwata, 49, tubong Fukouka, Japan, ng Sebastian Street, Barangay San Juan, Balagtas, Bulacan. Lumilitaw na sina Siony Iwata at Kunihiro ay ikinasal ni ex-Mayor Reynaldo Castro noong Enero 14,2005 kung saan ay muli itong bumalik sa Japan.
Sa sinumpaang salaysay ni Siony, bumalik ang kanyang mister noong Marso 2, 2005 subalit hindi na ito nagpakita at sa halip ay nakisama bilang mag-asawa sa kanyang pinsang si Jennelyn Camacho.
Sa follow-up operation ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Julius Caesar Mana natunton ang pinagkukutaan ng suspek.
Hindi na nakapalag ang suspek matapos maaresto nina P/Chief Insp. Richard Caballero at P/Senior Insp. Melchor Piso ng La Union CIDG sa bahagi ng Barangay Samara, sa bayan ng Aringay, La Union.
- Latest
- Trending