CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Tatlong lalaki na sinasabing notoryus na holdaper ang napaslang matapos makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa bahagi ng Barangay Soledad sa San Pablo City, Laguna kamakalawa.
Dalawa sa tatlong napaslang ay nakilalang sina Andy Tolentino ng Barangay Santa Monica at Joel Deo ng Barangay San Antonio, San Pablo City.
Kasalukuyan pang bineberipika ang pagkikilanlan ng ikatlo na may edad sa 30 hanggang 35-anyos, naka-orange t-shirt, maong pants, brown complexion at katamtaman ang pangangatawan.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Manolito Labador, naglalakad si Ryan Belarde sa kahabaan ng Rizal Avenue nang harangin at holdapin ng tatlo na sakay ng motorsiklo bandang alas-3:45 ng hapon.
Natangay sa biktima ang cell phone at P1,000 cash bago tumakas ang tatlo patungo sa direksyon ng Maharlika Highway.
Agad namang humingi ng saklolo si Belarde sa pulisya at nakorner ang tatlo sa bisinidad ng Barangay Soledad.
Subalit imbes na sumuko, ay nagawa pang makipagbarilan ang tatlo sa mga humahabol na pulis na naging mitsa ng kanilang kamatayan.
Narekober sa tatlo ang dalawang baril na ginamit sa shootout, cellphone at pera ng biktima.