Lider magsasaka nilikida
LAUR, Nueva Ecij , Philippines — Napatay ang isang lider magsasaka habang sugatan naman ang binatang apo nito makaraang pagbabarilin ng nag-iisang armadong salarin na puwersahang pumasok sa tahanan nito sa Brgy. San Isidro ng bayang ito noong Biyernes.
Idineklarang dead-on- arrival sa Bongabon District Hospital ang biktimang si Pascual Guevarra, 78-anyos, isa sa mga opisyal ng Agrarian Reform Beneficiaries Association (ARBA) at Alyansa ng mga Magsasakang Nagkakaisa (ALMANA) sa kanilang lugar.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Dr. Paulino Garcia Memorial Hospital sa Cabanatuan City ang sugatan nitong apo na si Ronnel Viloria, 18-anyos.
Dakong alas-4 ng hapon habang abalang naglilinis ng kanilang tahanan ang maglolo nang biglang sumulpt ang gunman at walang sabi-sabing pagbabarilin ang matanda.
Ang gunman umano ay may suot na kulay itim na bull cap, nakakulay asul na t-shirt, nakasuot ng sandals at nakamaong na pantalon, may taas na 5’5” at medyo may kaputian.
Tinangka naman ng binata na saklolohan ang kaniyang lolo kaya nasugatan ito sa insidente habang mabilis na tumakas ang salarin. Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng krimen.
- Latest
- Trending