MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang radio announcer makaraang tambangan ng dalawang hindi nakilalang mga armadong lalaki sa bayan ng Nabua, Camarines Sur nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, kinilala ang biktima na si Miguel Belen, 48-anyos, announcer ng DWEB FM Radio sa ilalim ng Pilipinas Broadcasting Network na nakabase sa bayan ng Nabua. Si Belen ay dati ring Brgy. Chairman sa Brgy. Francia, Iriga City.
Base sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril sa biktima sa Zone 3, Brgy. San Jose Pagaraon, Nabua ng lalawigang ito dakong alas-8:30 ng gabi.
Ang biktima ay nagtamo ng pitong tama ng bala sa leeg at katawan at ngayo’y nasa kritikal na kondisyon sa Maria Josefa Foundation Hospital sa Iriga City.
Kasalukuyan umanong pauwi na sa kanilang tahanan galing sa kanilang himpilan sa bayan ng Nabua ang biktima lulan ng kulay pulang motorsiklo nang biglang sumulpot ang dalawang armadong lalaki at pagbabarilin ito.
Ayon kay Camarines Sur Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Jonathan Ablang, pulitika ang isa sa ang gulong sinisilip nila sa motibo ng insidente.
Samantalang minaliit rin nito ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ang kaso dahilan hindi ‘hard hitting’ ang biktima.
Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.