Espiya itinumba
MANILA, Philippines - Binistay ng bala sa harapan ng kaniyang misis ng 20 mga pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang itinuturong espiya ng gobyerno sa Barangay Hamogaway, Bayugan City, Agusan del Sur kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Rudy Bu yog, 63-anyos, residente ng Brgy. Sta. Irene ng lungsod.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 13, naganap ang insidente sa Purok 8 ng Brgy. Hamogaway, Bayugan City bandang alas-4 ng hapon.
Kasalukuyang pauwi na ang biktima kasama ang misis nito nang harangin at pigilan ng mga rebelde sa loob ng isang oras at kalahati saka pinagbabaril ang biktima sa kabila ng pagmamakaawa ng mag-asawa.
Matapos mapatay ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng kabundukan. Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito. (with trainee Rafael Zapanta/ Mary Ann Chua)
- Latest
- Trending