Tapat at marangal na serbisyo... - Deloso
IBA, Zambales , Philippines — Nanawagan si Iba Mayor Atty. Ad-Hebert Deloso sa mga opisyal ng local na pamahalaan sa bayan ng Iba na magkaisa at magtulungan para maipagkaloob sa mamamayan ang mga pangunahing serbisyo.
Unang tinukoy na prayoridad ni Deloso ay ang public market na nasunog noon 2009, ang lumalaking suliranin sa basura, at ang kakulangan sa trabaho.
Pag-aaralan din ng kanyang administrasyon ang mungkahing itaas ang buwis upang matugunan ang pangunahin pangangailangan sa kalusugan, edukasyon, imprastraktura, livelihood project at ang pagpapalakas ng turismo at agrikultura.
Kasunod nito, hiniling din ng bagong alkalde ang dagdag na insentibo para sa mga barangay tanod, barangay health worker, mga kagawad ng Sangguniang Bayan at ang pagpapalawig sa kapangyarihan ng mga barangay chairman.
Lubos namang nagpasalamat si Deloso sa kanyang mga kababayan sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya at bilang kaalyado ng Partido Liberal mariin sinabi ni Deloso na hindi siya magnanakaw at laging ipatutupad ang adhikain na, “kung walang kurap walang mahirap.” “Panahon na ng pagkakaisa. Unity is progress, maging tapat at marangal sa serbisyo at walang personal na interest na isusulong habang ako ang pinuno ng bayan ng Iba,” dagdag pa ni Mayor Deloso.
- Latest
- Trending