7 NPA sumuko kay Pacman
MANILA, Philippines - Pitong kalalakihan na sinasabing mga rebel deng New People’s Army ang sumuko kay boxing icon at ngayo’y Sarangani Governor Emmanuel “Pacman” Pacquiao kamakalawa.
Kinilala ang mga rebeldeng nagsisuko na sina Pablito Abendiola, 43; Ricardo Abendiola, 23; Eddie Sabnal, 27; Elon Sabnal, 48; Dodong Mangalan, 37; Reynaldo Onda, 37; at si Alcher Lopez na pawang nakatira sa Barangay Mudan, sa bayan ng Glan, Sarangani.
Ang mga rebeldeng sumuko ay iprinisinta sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa kapitolyo ng Sarangani.
Isinuko rin sa mga opisyal sa pangunguna nina Rep. Pacquiao, Sarangani Governor Miguel Dominguez, Army’s 73rd Infantry Battalion Commander Lt. Col. Edgardo de Leon at 1002nd Infantry Brigade Commander Col Rainier Cruz III ang apat na Garand rifle, Carbine rifle, shotgun, cal. 45 pistol, granada at iba’t ibang uri bala.
Ikinatuwa naman ng mga rebelde na makita ng personal ang kanilang idolong world champion na si Pacman sa larangan ng boksing.
Inamin ng mga ito na pagod na sila sa hirap at gutom na tinitiis sa kagubatan kaya nagdesisyong sumuko sa gobyerno.
Nagdesisyong sumuko ang mga rebelde upang makapagbagumbuhay at umaasa sila na mababago na ang lahat sa ilalim ng mga bagong opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Pacman.
- Latest
- Trending