MANILA, Philippines - Buena-mano sa Aquino administration ang naganap na pananambang laban sa provincial coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan, at bodyguard ni Rizal Governor Jun Ynares III na kapwa napatay kahapon ng umaga sa magkahiwalay na lugar sa Kalibo, Aklan at Antipolo City, Rizal.
Ideneklarang patay sa Dr. Rafael Tumbukon Memorial Hospital matapos mapuruhan sa ulo at leeg si Councilor Fernando Baldomero ng bayan ng Lezo, Aklan.
Si Baldomero ay kumandidato noong May 10 elections at nanalong konsehal sa nabanggit na bayan.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Epifanio Bragais, naganap ang pamamaslang sa bisinidad ng Barangay Estancia sa bayan ng Kalibo bandang alas-6:30 ng umaga.
Naghahanda si Baldomero upang ihatid ang mga anak sa paaralan nang pagbabarilin ng motorcycle-riding assassins. Ayon sa hepe ang pulisya sa Kalibo na si P/Chief Insp. Alden Lagradante, si Baldomero ay dating rebeldeng New People’s Army, na naaresto noong 1993.
Kasunod nito, napaslang naman ang security aide ni Rizal Governor Casimiro “Jun” Ynares III na si Johnny Saut, 28, makaraang tambangan ng ‘di-pa kilalang lalaki sa Sitio Boso-Boso sa Barangay San Jose.
Nadamay sa pamamaril ang mga sibilyang sina De Cahilig at Jomar Garcia, 5, kapwa tinamaan ng ligaw na bala.
Si Suat na residente ng Vista Grande Subd sa Barangay Sta. Cruz ay lulan ng motorsiklo nang harangin at ratratin
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na agawan sa lupa sa Sitio Boso-Boso ang isa sa motibo ng krimen.Dagdag ulat ni Ronilo Ladrido Pamonag (With trainee Rafael Zapanta at Mary Joy Mondero)