Oath taking ng mayor binulabog ng bomba
MANILA, Philippines - Niyanig ng pagsabog ang munisipyo ng Bangued sa Abra ilang oras bago ang oath taking cemerony ng halal na alkalde kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Col. Essel Soriano, commander ng Army’s 503rd Brigade, naganap ang pagsabog sa harapan ng kapitolyo ng Bangued dakong alas-2 ng madaling-araw.
“Ang pagsabog ay naganap bago pa man ganapin kahapon ng umaga ang panunumpa ni Bangued Mayor-elect Ryan Luna”, pahayag ni P/Senior Supt. Joseph Adnol, Abra PNP director.
Lumilitaw na iniwan ang pampasabog sa harapan ng munisipyo na sinamantala habang natutulog ang nag-iisang guwardiya na si Joseph Viado.
Nawasak ang kisame at salaming bintana ng munisipyo kung saan wala naman nasugatan o kaya namatay na sibilyan.
Pinaniniwalaan namang kagagawan ng mga taong nais manggulo sa oath taking ceremony ni Luna.
Magugunita na tinalo ni Luna si reelectionist Mayor Dominic Valera noong May 10 polls.
- Latest
- Trending