MANILA, Philippines - May kabuuang P1.8 bilyong halaga ng illegal drugs ang sinunog ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ginawa sa Integrated Waste and Management, Inc., sa Brgy. Aguado, Trece Martires, Cavite city, kahapon.
Ayon kay PDEA director general Dionisio R. Santiago, ang pagsunog sa mga nasabing droga ay bilang pagsunod sa ipinapatupad na guidelines hingil sa kustodiya at disposisyon ng mga nasamsam na mga droga.
Giit ng kalihim, kailangan anyang ang pagdurog sa droga ay gawin sa harap ng publiko, upang maipakita ang transparency at maalis ang pagdududa na nire-recyle lamang ang mga ito.
Nasaksihan ng publiko ang pagsusunog sa 225.658 na kilo ng nakumpiskang assorted drugs na kinabibilangan ng shabu, marijuana, ephedrine, ecstasy, cocaine, ketamine at expired na gamot, kasama ang 15.5 liters ng liquid methamphetamine.
Ang mga ito ay parte ng ebidensya dulot ng sunod-sunod na operation na ginawa ng ahensya kabilang ang itinurn-over sa kanila ng Philippine National Police at ng Presidential Anti-Smuggling Group.
Pinuri naman ni Santiago ang kakayahan ng Court of Appeals, at iba’t-ibang Regional Trial Courts branches sa Quezon City, Pasig, Manila, Makati at iba pang lugar sa Pampanga, Bulacan, Batangas, at Bataan, dahil sa mabilis na paghatol at disposition sa mga kaso ng droga.