NUEVA VIZCAYA, Philippines – Tinatayang aabot sa P3 milyon cash ang tinangay ng mga kawatan matapos pasukin ang malaking establisyemento sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya noong Lunes ng madaling-araw.
Ayon kay P/Chief Inspector Maciste Extor Serrano, pasado ala-1:30 ng madaling-araw kahapon nang pasukin ng tatlong kawatan ang Save More (SM) supermarket sa Poblacion, South.
Batay sa ulat ng pulisya, winasak ang bubong na yero ng supermarket saka tinungo ang safety vault kung saan nakatago ang malaking halaga.
Pinag-aaralan ng mga tauhan ni Serrano ang posibilidad na maaring inside job ang insidente kung saan kabisado ng mga kawatan ang kinalalagyan ng safety vault.
“Medyo malabo ang kuha ng CCTV camera kaya humingi kami ng eksperto sa Manila para makilala ang pagkatao ng tatlong suspek,” pahayag ni Serrano
Si Serrano ay itinalagang bagong hepe ng pulisya matapos sibakin si P/Supt. Joselito Buenaobra matapos mapaslang si Human Rights Lawyer Ernesto Salunat noong Martes (22 June) sa harapan ng municipal trial court.