Lider ng RHB, 3 pa, arestado
CAMP OLIVAS, Pampanga, Philippines — Nalambat ng pinagsamang puwersa ng Philippine Army at Philippine National Police sa Gitnang Luzon ang apat na pinaghihinalaang miyembro ng makakomunistang Rebolosyonaryong Hukbo ng Bayan (RHB) kamakalawa sa Gua-Gua, lalawigang ito.
Kinilala ni Philippine National Police-Regional Director C/Supt. Arturo Cacdac Jr., ang mga naaresto na sina Romeo Nuñez, alyas Ka Nelson at lider ng grupo, at mga kasamahan nitong sina Jerry Lais, Ferdinand Quiambao at Zoren Espiritu.
Ang RHB ay ang armadong grupo ng Marxist-Leninist Party of the Philippines (MLPP), isang breakaway group ng Communist Party of the Philippines.
Bago ang pag-aresto isang tip-off mula sa intelligence network ng PA, PNP PRO3 at lokal na opera tiba na lalabas ng bayan si Ka Nelson patungo sa isang pulong.
Agad na nagsagawa ng checkpoint sa ilang pangunahing lagusan sa Guagua, Pampanga ang awtoridad hanggang sa matiyempuhan ang apat.
Tinangka pa umanong takasan ng apat ang mga nakatalaga sa checkpoint pero mabilis silang tinugis.
Nasamsam sa pag-iingat nina Ka Nelson ang iba’t ibang kalibre ng baril, bala at granada.
Malaki ang paniniwala ng kapulisan na malaking porsyento ng puwersa ng grupo ang naparalisado likha ng pagkakahuli kay Ka Nelson.
- Latest
- Trending