BATANGAS, Philippines — Walong katao kabilang na ang isang retiradong US Navy ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng Batangas PNP Intelligence, Special Weapon And Tactics (SWAT) at lokal na pulis sa isinagawang raid sa isang “shabu-tiangge” sa isang barangay ng Nasugbu, Batangas kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Sr. Superintendent Alberto Supapo, Batangas Police Director, ang mga suspek na umano’y nagtutulak ng droga na sina Crisanto Martinez, 55 retired US Navy man; Anatalia Galano; Myrna Aquino; Vivencio Sobremonte; Nicanor Baira; Brigida De Castro; Jimmy Ocoma at Miguela Tenorio Ocoma, pawang mga residente ng Bgy. Lumbangan. Nakuha din kay Martinez ang hindi lisensyadong Colt caliber 45 pistol na may tatlong bala, magazine at holster.
Sa bisa ng search warrants na ipinalabas ni Judge Eutiquio Quitain ng RTC, 4th Judicial Region Br. 5 ng Lemery, Batangas, nilusob ng mga otoridad ang nabanggit na barangay at nakumpiska ang humigit kumulang 17 plastic sachet ng shabu, isang water pipe, dalawang cell phone, marijuana at cash na P4, 750.00.
Bago ito sinabi ng pulisya na matagal na silang nakakatanggap ng impormasyon hinggil sa malawakang bentahan ng droga sa lugar subalit kailangan pa rin nila ng konkretong ebisdensiya. Kasalukuyang nakapiit na sa Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.