DASMARINAS CITY, CAVITE, Philippines — Love triangle ang nakikitang motibo sa pamamaslang sa isang graduating student ng De La Salle University kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Congressional Ave., Barangay Sta. Fe ng lungsod na ito.
Dead-on-arrival sa St. Paul Hospital sa Dasma riñas City ang biktimang si Marvin Antonio, 20, may kursong Industrial Engineering sa nabanggit na unibersidad matapos na magtamo ng mga saksak sa katawan.
Isa naman sa apat na suspek ang naaresto at kinilalang si Jessito Baguio, 22 habang pinaghahanap pa ang suspek na si Andrew Ramos at dalawang iba pa. Pawang mga estudyante din ng nasabing unibersidad ang mga suspek.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Paulo Figueroa naganap ang insidente dakong alas-6:35 ng gabi habang naglalakad pauwi ang biktima at harangin ng mga suspek.
Dito umano inundayan ng saksak sa dibdib ng mga suspek ang biktima at ng duguang bumulagta ito ay mabilis na tumakas ang mga ito tangay ang ginamit na patalim.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, nadakip si Baguio na umano’y dating boyfriend ni Katrin Penarendonda, na kasalukuyan namang girlfriend ng biktima.
Sa salaysay ng mga witness sa pulisya, posibleng hindi matanggap ng suspek na si Baguio na ang biktima ang kasalukuyang nobyo ng kanyang dating kasintahan.
Posible din umanong sinusubaybayan ng mga suspek ang biktima hanggang sa makakita ng pagkakataon ang mga ito na isagawa ang krimen.