3 holdaper huli

SAN MIGUEL, Bulacan, Philippines — Arestado ang tatlong kala­lakihan na humoldap sa isang babaeng negosyante na natangayan ng mahigit sa P.2 milyong ari-arian at pera kahapon ng umaga sa Brgy. Sta. Rita Bata, San Miguel, Bulacan.

Positibong itinuro ni Re­me­dios Pascual, 39 ng Brgy. Bagong bayan, Caloocan City ang mga suspek na sina Jerome Estabillo 22; Augusto Montañes, 22; at Anthony Alfar, 18, pawang mga resi­dente ng Brgy. Sta Rita Matanda sa naturan ding bayan. Ang tatlo ay kinasuhan ng Robbery-Holdup sa piskalya.

Ayon kay Provincial Di­rector P/Sr. Supt. Fernando Villanueva dakong alas-8:10 ng umaga nang tumigil ang North Star Bus sa isang res­taurant sa Cagayan Valley Road, Brgy. Sta. Rita Bata kung saan kumakain ang mga pasahero kabilang na ang biktima at ang mga suspek.

Habang kumakain ay tinabihan ng tatlong suspek si Pascual habang nakatutok ang baril at kutsilyo at saka tinangay ang handbag nito na Louis Vitton na nagkakaha­laga ng P8,000, mga alahas na umaabot sa P150,000; cash na P50,000 at cell phone at saka mabilis na tumakas.

Show comments