Ex-PNP, tiklo sa pangmomolestiya

STA. MARIA,Bulacan, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Sta. Maria-PNP ang isang retiradong pulis na inireklamo ng pangmomolestiya ng isang tatlong taong gulang na bata sa Brgy.Mag-asawang Sapa sa bayang ito kahapon.

Sa bisa ng Warrant of Arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Ma.Victoria Fernan­dez-Bernardo ng RTC Br.18 sa Malolos City inaresto ang suspek na si SPO3 Reynaldo del Rosario, 64; at residente ng El Pueblo Subdivision, Bgy. Mag-asawang Sapa, Sta. Maria, Bulacan dakong alas-3:20 kamakalawa ng hapon.

Ayon kay P/Supt.Marcos Rivero posibleng inakala ng suspek na hindi nagsampa ng reklamo ang biktima dahil anim na buwan ang nakaraan bago inilabas ang warrant laban sa huli.

Base naman sa imbesti­gasyon ni PO3 Ma.Cecilia Discartin ng Womens and Children Complaints Desk naganap ang pagmomoles­tiya sa biktima noong Disyem­bre 23, 2009 habang nagla­laro ang biktima.

Dito ay tinawag ng suspek ang biktima at agad na ipina­sok sa loob ng kanyang bahay at umano’y pinaghahalikan sa iba’t ibang parte ng katawan saka pinasok ang daliri sa ari ng paslit.

Nabisto lang ang pagmo­molestiya sa biktima ng mapansin ng kanyang ina na may bahid ng dugo ang pan­loob na damit ng biktima at nang tanungin ito ay agad ding isinalaysay ang pangya­yari sa kanya at kung sino ang may kagagawan saka nag­hain ng reklamo sa pulisya. 

Show comments