Paninigarilyo bawal sa Nueva Vizcaya
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Ipinatupad na kahapon ang smoke free Nueva Vizcaya kung saan ipinagbabawal na manigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar at sa mga sasakyan alinsunod sa ipinasang ordinansa ng sangguniang panlalawigan.
Ayon kay Governor Luisa Lloren Cuaresma, mahigpit na ipapatupad ang ordinansa at dapat na sundin lalo na ang mga opisyal ng local na pamahalaan na mahilig manigarilyo.
Batay sa ipinasang ordinance number 2010-040, ang sinuman na maaktuhan na naninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar ay pagbabayarin ng P1,500 hanggang sa P5,000 na ipapatupad ng binuong inspectors task force na magbibigay din ng ticket sa mga violator.
Iginiit din ni Cuaresma na maging siya mismo ay susunod sa nasabing batas upang ipakita na sinsero ang provincial government sa nasabing ordinansa.
“Huwag sanang isipin ng ating ka-probinsiya na tinatanggalan namin sila ng karapatan na manigarilyo, bagkus ito ay isang paraan ng pagdidisiplina sa ating mga katawan at para na rin sa ikabubuti ng karamihan,” paliwanag ni Cauresma.
Naunang inilunsad ang anti-smoking campaign ng mga kawani at volunteers ng provincial health office ng lalawigang ito na binigyan suporta naman ng karamihan lalo na ang mga lokal na tagapamahala.
- Latest
- Trending