MANILA, Philippines - Nailigtas ng pinagsanib na elemento ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang isang television reporter matapos itong ma-trap ng 5 oras ng mangahas na lumapit sa crater ng naga-alburutong Taal volcano sa lalawigan ng Batangas kamakalawa.
Kinilala ni Batangas Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Alberto Supapo ang nailigtas na biktima na si Joshua Garcia, reporter ng Global News Network (GNN) ng Global Destiny Cable na nakabase sa Pilipinas.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-7 ng umaga nitong Huwebes ng dumating sina Garcia, crew nitong si Luis Cruz at driver na si Edgar Nono sa bayan ng Talisay, Batangas. Nabatid na humingi ng permiso sina Garcia sa lokal na tanggapan ng PCG dakong alas-10 ng umaga para makapag-interbyu umano ng mga residente ng Brgy. Tabla, Talisay na malapit sa Taal Volcano.
Gayunman, dahilan nais makakuha ng video footage ay nangahas si Garcia na bumaba sa Polo Island na iniwan sa itaas ang kaniyang mga crew kung saan pumunta ito malapit sa crater ng Taal volcano, pero nahilo sa sulfur dioxide.
Bandang alas-10:30 ng umaga ay nagawa umanong mag-text ni Garcia sa kaniyang cameraman na si Cruz na sinabing nawawala siya.
Dakong alas-4:20 ng hapon ng mailigtas ng rescue team ng Talisay Police at PCG sa pamumuno ni 2nd Lt. Benjamin Misador si Garcia na agad na dinala sa JRC Clinic sa Talisay.