5 katao nilapa ng asong ulol
BUSTOS, Bulacan, Philippines — Lima katao kabilang ang isang anim na taong gulang na estudyanteng lalaki ang magkakasunod na nilapa ng isang naulol na asong kalye sa dala wang barangay sa bayang ito kahapon ng madaling- araw.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Marivic Cruz, 46-anyos ng Purok 6, Brgy. San Pedro, Carol De Guzman 37, ng Brgy. Poblacion, isang tindero ng pandesal na nakilala lamang sa alyas Titing, taga Baliwag, isang 6 anyos na batang lalaki, at isa pang lalaki na kapwa residente ng bayan ng Bustos. Agad na dinala sa isang ospital sa Manila ang mga ito upang masuring mabuti ang kanilang kalagayan.
Ayon sa imbestigasyon dakong alas-5 ng madaling araw ng magtungo si Marivic sa isang sari-sari store na ‘di kalayuan sa kanilang bahay upang bumili ng makakain ng kaniyang pamilya para sa agahan.
Nakasalubong naman ng ginang ang asong ulol na agad itong sinalakay ng kagat sa kaliwang braso at kaliwang hita, matapos nito ay sunod na sinalakay si De Guzman na nakaangkas sa isang motorsiklo kasama ang kanyang asawa kasunod ang anim na taong gulang na bata na kinagat naman sa kanang pisngi at balikat.
Samantalang naglalako naman ng tinapay ang lalaki na kinilala lamang sa alyas na Titing na nakasakay sa isang bisikleta at agad ding kinagat sa kaliwang hita habang ang isa pang lalaki ay kinagat din sa hita matapos na tumakbo ito dahil sa nakitang pangyayari.
Nagkataon naman na dumadaan ang isang pulis na nakatalaga sa Provincial Public Safety Company na nakabase sa bayan ng San Rafael kung kaya napilitan na itong barilin at mapatay ang asong ulol upang hindi na makapaminsala pa ng ibang residente.
Matatandaan na nilapa din ng isang asong kalye ang kaliwang pisngi at likurang bahagi ng ulo ng dalawang taong gulang na si James Mark Serrano habang naglalaro sa Brgy. Wakas sa bayan ng Bocaue noong nakalipas na buwan ng Mayo.
- Latest
- Trending