Brodkaster dinedo sa singing contest
MANILA, Philippines - Isa na namang radio broadcaster na tumatayong emcee sa singing contest ang binaril at napatay ng ’di-pa nakilalang salarin noong Lunes ng gabi sa bayan ng Manay, Davao Oriental.
Napuruhan sa ibabang bahagi ng kanang teynga si Desidario Camangayan, 52, anchorman ng Sunrise FM radio na nakabase sa Mati City.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nasa entablado ang biktima bilang emcee ng singing contest sa Barangay Old Macopa nang maganap ang krimen bandang alas-10:30 ng gabi.
Nabatid na humalo sa mga manonood ng singing contest ang gunman saka malapitang binaril si Camangayan kung saan duguang bumulagta sa entablado.
Kasunod nito, naghiyawan naman at nagpanakbuhan ang mga contestant at ang mga manonood na sinasabing humalo sa karamihang tao ang gunman kaya ’di-nakilala.
Kaugnay nito, bumuo na ang PNP ng Task Force Camangayan sa pamumuno ni P/Senior Supt. Jorge Corpuz para resolbahin ang brutal na krimen.
- Latest
- Trending