Iskursiyon nauwi sa trahedya... 20 estudyante napisak, 31 grabe
MANILA, Philippines - Sinalubong ni kamatayan ang 20 estudyante na lulan ng tourist bus na may plakang 666 na sinasabing patungo sana sa masayang outing makaraang mahulog sa malalim na bangin sa bahagi ng Sitio Z, Barangay Kansamoroy sa bayan ng Ba lamban, Cebu kahapon ng hapon.
Sa phone interview, kinumpirma ni Lt. Col. Miguel Ernesto Okol, na 20 bangkay ang naiahon ng mga tauhan ng dalawang UH-IH helicopter habang anim naman ang sugatang naisugod sa AFP-Central Mindanao Command Hospital.
Inihayag naman ng Cebu PNP na 7-Iranian ang natagpuang patay sa crash site habang aabot naman sa 31 iba pa ang malubhang nasugatan na naisugod sa Balamban District Hospital.
Inaasahan namang tataas pa ang bilang ng mga nasawi habang patuloy ang search and rescue operation ng mga awtoridad.
Sinabi ni Okol na humingi ng tulong sa kanilang command si Balamban Mayor Alex Binghay para mabilis na maiahon ang mga biktima.
Kaagad namang ipinag-utos ni Air Force Chief Lt. Gen. Oscar Rabena sa 2nd Air Division sa Cebu ang rescue mission upang tumulong sa pulisya sa pag-aahon ng mga biktima na kinabibilangan din ng mga Iranian.
Sa pahayag naman kay PO3 Arden Trocio ng Balamban PNP, naganap ang trahedya bandang alas-12:30 ng tanghali kung saan nahulog sa may 30 metrong lalim na bangin ang Cattleya Tourist bus na may plakang GWZ-666 na may lulang 70 pasahero.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na namiskalkula ng drayber ang matarik na highway kaya bumulusok sa bangin ang nasabing bus na patungo sana sa bayan ng Tuburan para mag-outing sa pamosong beach resort.
Sinasabing may lulan 70 nursing at medical students ng Cebu Doctors University Hospital ang tourist bus kung saan patuloy pang inaalam ng pulisya ang mga pangalan ng mga nasawing biktima.
- Latest
- Trending