MANILA, Philippines - Dalawa sa tatlong mangangahoy na kinidnap ang pinugutan ng mga bandidong Abu Sayyaf makaraang mapagawi sa teritoryong pinagtataguan ng teroristang grupo sa kagubatan ng bayan ng Maluso, Basilan.
Kinilala ang mga pinugutan at pinagtataga na sina Daduh Lumatang at Manuel Lumasag.
Sa phone interview, sinabi ni Task Force Trillium Commander Rear Admiral Alexander Pama, narekober ang bangkay ng mga biktima noong Sabado ng umaga sa magubat at bulunbunduking bahagi ng Sitio Pali, Brgy. Abong-Abong.
Kasalukuyang pinaghahanap ang isa pang biktima na si Elpidio Aminense na kasamahan na hindi pa rin alam kung ano ang kinasapitan.
Base sa imbestigasyon, ang mga biktima ay dinukot ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama noong Biyernes matapos na matiyempuhang nangangahoy sa nabanggit na barangay.
Dahil sa serye ng operasyon ng militar laban sa grupo ni Indama sa Brgy. Sukaten, Sumisip, Basilan ay nagsitakbo ang mga bandido sa bahagi ng Maluso, Basilan kung saan natiyempuhan naman ang mga biktima habang nangangahoy.
Ayon sa ulat, hindi kasong kidnap-for-ransom ang pagbihag sa mga biktima at posibleng napagdiskitahan lamang paslangin matapos na matiyempuhan sa lugar.
Posibleng napagkamalang military asset ang mga biktima lalo pa at Kristiyano ang mga ito kaya brutal na pinaslang.