Clan war: 5,000 katao nagsilikas
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 5,000-katao ang iniulat na nagsilikas sa mga bayan ng Sultan sa Barongis at Radja Buayan sa takot na maipit sa clan war sa pagitan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa bahagi ng Barangay Lagitan sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa hangganan ng Maguindanao at Sultan Kudarat.
Sa ulat ni Army’s 6th Infantry Division Spokesman Lt. Col. Benjie Hao, sumiklab ang giyera sa pagitan ng grupo nina Commander Randy Karon, lider ng MNLF sa Lebak, Sultan Kudarat at Kumander Jing Calutyag, pinuno naman ng MILF’s 104th Base Command sa Datu Blah Sinsuat, Maguindanao.
Nabatid na nasa 500 pamilya mula sa bayan ng Sultan sa Barongis at 548 namang pamilya mula sa 5,000 residente ang nagsilikas sa takot na maipit sa giyera.
“Nandun na yung mga evacuees sa gilid ng highway palayo sa conflict areas, in fact sine-secure natin ‘yung mga tao dun,” dagdag pa ni Hao.
Ayon kay P/Senor Supt. Alex Lineses, Maguindanao PNP director, ipinakalat na ang mga sundalo at pulisya upang siguruhin ang kaligtasan ng mga nagsilikas na sibilyan kung saan hindi naman basta na lamang maaring manghimasok sa gulo ng magkalabang grupo dahil sa mekanismo ng ceasefire kaugnay ng isinusulong na peace talks ng pamahalaan laban sa MILF rebs.
Bukod sa clan war ay nabahiran na rin ng political war ang banggaan bunga ng pagkatalo ng mga sinuportahan ng mga kandidato sa nakalipas na halalan.
Samantala, nasa lugar rin ang International Monitoring Team upang magsagawa ng negosasyon sa magkabilang panig.
- Latest
- Trending