2 pulis todas sa ambush

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Dalawang tau­han ng pulisya ang iniulat na nasawi makaraang tambangan ng mga arma­dong grupo kamakalawa ng umaga sa bayan ng Gamu, Isabela. 

Nakilala ang mga na­patay na sina P/Inspector Jelowie Antonio at PO3 Jaime Manaligod, kapwa nakatalaga sa Intelligence Section ng Isabela PNP.

Ayon kay P/Chief Inspector Melchor Cantil, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Isabela, ang mga bik­tima kabilang ang dala­wang nakaligtas ay nagsa­gawa ng surveillance mission at pabalik na sa ka­nilang opisina nang ratratin ng armadong grupo sa bisinidad ng Barangay Bartulan.

Agad na bumulagta ang dalawang pulis na lulan ng motorsiklo kung saan isa sa kanila ang nawasak pa ang bungo habang ang dalawang iba pang pulis na magkaangkas din sa mo­torsiklo ay nakaligtas at nakalayo. 

Narekober sa pinang­ya­rihan ng krimen ang 15-bas­yo ng bala mula sa M16 Armalite rifle at shotgun na ginamit sa pana­nambang.

Agad naman na kinilala ang dalawa sa mga suspek na sina Erong Aquino at Rony dela Cruz na sina­sabing kapwa miyembro ng highway robbery at iba pang kaso ng pagnanakaw sa Cagayan Valley.

Sa kasalukuyan ay iki­nasa ang malawakang dragnet operation laban sa mga suspek.

Show comments