BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Dalawang magsasaka ang kumpirmadong nasawi habang pitong iba pa ang nasa kritikal na kalagayan matapos na tamaan ng matalim na kidlat kamakalawa ng hapon sa bayan ng Malayugan, Apayao.
Nakilala ang dalawa na sina Charlon Gaoiran, 24; at Melvin Manuel, 16, kapwa residente ng nasabing bayan.
Base sa police report, nagtatanim ng palay ang mga biktima nang kumulog at tamaan ng kidlat kung saan nasunog ang kanilang mga katawan.
Nasa ospital naman ang pitong iba pa dahil sa matinding pinsala ng kanilang katawan sa lakas ng boltahe ng kidlat na tumama sa kanila.
Pinayuhan naman ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga magsasaka na sumilong sa ligtas na lugar sa panahon ng pagkulog at pagkidlat.