MANILA, Philippines - Posibleng na-depress matapos makipagkalas ang nobyang Pinay, nagbigti sa punong-kahoy ang isang Koreano sa bayan ng San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ang nag-suicide na si Youngpyo Hong, 52, ng Pecson Apartment sa Pecsonville Subdivision, sa Barangay Tungkong Mangga. Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang bangkay ng biktima ay natagpuan ni Jeremy Manahan na nakabitin sa isang puno sa Purok 5, Paradise 1, Barangay Tungkong Mangga.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago ang isidente ay nakipag-inuman pa ang Koreano sa kaniyang mga kaibigan noong gabi at sinabing desperado matapos kalasan ng nobyang Pinay na tinukoy lamang sa pangalang Michelle. Matapos ang ilang oras na pakikipag-inuman ay nagpaalam na ang biktima sa mga kaibigan hanggang sa madiskubre ang pagpapatiwakal nito kinaumagahan noong Linggo.
Narekober sa crime scene ang dalawang piraso ng sobre na nakasulat sa wikang Koreano, love letter ng biktima sa kaniyang nobya.