SULTAN KUDARAT , Philippines — Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang labing-isang iba pa ang nasugatan makaraang magkasalpukan ang traysikel at van sa highway ng Barangay New Tarlac sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat, kahapon.
Kabilang sa namatay ay ang drayber ng traysikel na si Reinier Tangonan, 29; at Feliciano Hinaut,54, drayber naman ng van na sinasakyan ng mga sugatang kawani ng Notre Dame Broadcasting Corp. na nakabase sa Cotabato City.
Sugatan naman sina Minah Lintongan, Raul Gratuito, kapwa disc jockey; Vern Simon, Sam Sali, Evelyn Escleto, pawang ads traffic-in-charge; Grace Tanghal, chief disc jockey ng dxOL-FM; Jeffrey Mendez, radio newswriter; Rupert Sapuay, Dennis Pido, kapwa broadcast media technician; at si Rogelio Doruelo, radio ads collector.
Sa ulat ni PO3 Rodrigo Tabelin na ipinarating na ulat ni Edwin Fernandez, NDBC-Cotabato radio station manager, pauwi na ang mga biktimang sugatan mula sa team building activity sa bayan ng Gumasa, Sarangani nang maganap ang aksidente.
Ayon sa report, tinangkang iwasan ng van ang traysikel na sinasabing nag-alanganin sa pagtawid sa kabilang kalsada kung saan nahagip ng van ang likurang bahagi nito. Tatlong beses na bumaliktad ang van habang nagpagulung-gulong naman ang traysikel kung saan kapwa nasawi ang dalawang drayber. Malu Manar at Chin Hawtay