MANILA, Philippines - Isang CAFGU ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan sa magkakahiwalay na sagupaan sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Compostela Valley nitong Martes ng hapon at Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Francisco Capuyan, CAFGU member sa ilalim ng Army’s 72nd Infantry Battalion (IB), napuruhan sa pagsabog ng itinanim na Improvised Explosive Device (IED) ng mga rebelde sa Brgy. Salvacion sa bayan ng Mawab, Compostela Valley.
Ayon kay Army’s 10th Infantry Division (ID) Spokesman, Capt. Emmanuel Garcia, dakong alas-2:30 ng madaling araw nitong Huwebes ng pasabugan ng NPA rebels ang bomba sa nasabing lugar habang papadaan ang tropang gobyerno sa lugar.
Dito’y nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng 30 minuto na ikinasugat ng isa pang CAFGU.
Sa isa pang insidente, dakong alas-4:30 naman ng hapon noong Miyerkules ng maunang makaengkuwentro ng mga elemento ng Army’s 71st Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga rebelde sa Brgy. New Leyte, Maco, Compostela Valley. Sa kasagsagan ng putukan ay nasugatan ang isang sundalo na mabilis na isinugod sa pagamutan.
Naitaboy naman ng tropang gobyerno ang mga kalaban na mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng kagubatan.