IBA, Zambales, Philippines — Pinagbabaril at napatay ng mga hindi pa nakikilalang mga armadong salarin ang isang negosyanteng kapatid ni Botolan Mayor Rogelio Yap kamakalawa ng hapon sa bayang ito.
Sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, nakilala ang biktima na si Vic Yap, isang negosyante, nasa hustong gulang at kapatid ni Botolan Mayor Rogelio Yap.
Ayon sa pulisya, huling nakita si Yap na sakay ng isang kulay puting Mitsubishi Pajero na bumabagtas sa kahabaan ng national hi-way patungo sa katimugang direksyon ng nasabing bayan.
Sinabi ng mga imbestigador, pagdating sa Barangay Palanginan ng Iba, Zambales isang grupo ng mga armadong kalalakihan na sakay ng kulay abong Everest SUV ang nag-overtake kay Yap saka ito pinagbabaril.
Sumalpok ang sasakyan ni Yap sa pader sa kanang bahagi ng highway at doon ay natagpuan ng mga imbestigador ang walang buhay na biktima na may tatlong tama ng bala sa katawan.
Bagama’t nakatakas ang mga suspek ay malaki ang tiwala ng pulisya na maaaresto agad ang mga ito dahil sa ilang residente ang nakakita na ang sasakyan ng mga suspek ay may plakang “8” na ibinibigay lamang sa mga miyembro ng Kongreso.
Nagsasagawa na ng followup operations ang mga awtoridad sa kasong ito.