3 rebelde bulagta sa PAF
BATANGAS, Philippines — Tatlong rebeldeng New Peoples Army ang iniulat na napatay samantalang tatlong iba pa ang naaresto matapos makasagupa ng mga sundalo ng Philippine Air Force sa bayan ng Taysan, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Lt Col Arnel Villareal, commander ng 740th Combat Group ng PAF ang mga nasawing rebelde na sina alyas Dandan, team leader ng Sandatahang Yunit Propaganda (SYP) Baking, Charito “Ka Ada” Bautista at isang “Ka Randy.”
Naaresto naman sina Ronnel “Eugene” Baes ng San Juan, Batangas, Romy” Ka Romy” Cañete ng Balara, Quezon City at isang “Ka Sandra” na nasugatan sa labanan at kasalukuyang ginagamot sa Maderazo Hospital sa bayan ng Rosario, Batangas.
Lumilitaw na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 743rd Combat Squadron at 740th Combat Group sa pangunguna ni 1Lt. Sangjan Panding matapos na makatanggap ng impormasyon sa presensya ng NPA sa bisinidad ng Sitio Tagusan sa Barangay Bucal.
Dito na sumiklab ang sagupaan.
Naka-rekober sa encounter site ng apat na M-16 rifles, M203 grenade launcher, apat na rifle grenades at dalawang Motorola handheld radio.
Samantala, nasugatan naman si Airman 1st Class Michael Lalog, matapos tamaan ng bala sa balikat kung saan naisugod sa Palma Malaluan Hospital. Arnell Ozaeta at Joy Cantos
- Latest
- Trending