P27-milyong pondo sa pagpapaayos ng 3 ospital
ANTIPOLO CITY, Rizal, Philippines — Bilang bahagi ng programang pangkalusugan, tatlo sa anim na mga ospital ng lalawigan ng Rizal ang pinaayos at binigyan ng makabagong kagamitan.
Ayon sa ulat ng provincial engineer’s office, pinondohan ng P15.4 milyon ang pagsasaayos at upgrade ng Rizal Provincial Hospital habang aabot naman sa P1.9 milyon ang nagastos sa Pililla Medicare Community Hospital.
Puspusan naman ang pagsasaayos ng Angono General Hospital upang sa lalong madaling panahon ay mapakinabangan kung saan naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng P 9.7 milyon pondo sa gastusin.
Sa kasalukuyan, bukas na ang ospital sa Pililla upang magbigay serbisyo-medikal, samantalang ang provincial hospital sa Morong ay nagbagong-anyo at unti-unting pinatataas ang antas upang maging tertiary hospital sa hinaharap.
Ayon naman sa provincial health office, kasama sa pagsasaayos ng mga nabanggit na ospital ay ang pagbili ng mga karagdagan at modernong mga kagamitan upang mas lalong mapaganda ang serbisyo sa taumbayan.
“Nais naming mas lalong mapagbuti ang serbisyo-medikal para sa lahat, kaya nga hindi tumitigil ang inyong pamahalaang panlalawigan sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng ating mga ospital,” pahayag ni Rizal Gob. Jun Ynares.
- Latest
- Trending