MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa labinlima-katao habang 15 iba pa ang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong jeepney sa may 75 metrong lalim na bangin sa bayan ng Besao, Mt. Province noong Martes ng hapon.
Ayon kay Mountain Province PNP director P/Senior Supt. Fortunato Albas, siyam sa mga biktima ay dagliang namatay.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Victor Balolang, Esther Lawig, Nel Pambalan, Rosaline Panduyos, Rogelio Pagada, Samuel Songaben, Alicia Layao, Onsi Songaben at si Corazon Dasing.
Namatay naman sa Besao District Hospital sina Sagmayao Songaben, Rocky Songaben, Ranoy Fernan Pagosto at tatlong iba.
Ilan sa mga biktimang sugatan ay nasa kritikal na kondisyon.
Naganap ang trahedya sa matarik na highway ng Besao-Banaao provincial road, sa Sitio Bunga, Barangay Catengan.
Lumilitaw na binabagtas ng pampasaherong jeepney (BCX- 6 41) ang madulas na kalsadang lupa nang bumigay ang gilid nito.
Nabatid na nahirapan ang driver na si Labawig na kontrolin ang manibela hanggang sa tuluyan itong mahulog sa bangin.
Bukod dito, sinasabing overloaded ang jeepney kung saan ang mga sakay nito ay dumalo sa victory party ng nagwaging bokal sa lalawigan.