MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa isang bagitong pulis na sinasabing rumesponde sa kaguluhan makaraang pagsasaksakin ng isa sa mga maton na nanggugulo sa bisinidad ng Barangay Mansilingan, Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa.
Walong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang tumapos sa buhay ni PO1 Engelbert Gaudanan ng presinto 7 kung saan naisugod na ito sa Bacolod Adventist Medical Center.
Lumilitaw na rumesponde ang mga operatiba ng presinto 7 kabilang na ang biktima kaugnay sa kaguluhan sa kahabaan ng Jaime Street, sa Brgy. Mansilingan na kagagawan ng grupo ng suspek na si Gilbert Batayula.
Gayon pa man, habang inaaresto ang mga suspek, ay kinuyog si PO1 Gaudana kung saan pilit inaagawan ng baril saka pinagsasaksak.
Nagawa pa ring maiputok ni Gaudana ang kaniyang baril kung saan tinamaan si Batayula at ngayon ay nasa Corazon Locsin Montelibano Memorial Hospital. Kalaboso naman ang dalawang kasamahan ni Batayula na sina Rafael Hipti at Ryan Juano.