MANILA, Philippines - Tumanggap ng parangal ang isang lady cop na nakatalaga sa North Cotabato matapos itong magpakita ng katapangan at kabayanihan sa pagba bantay sa mga precinct count optical scan (PCOS) machine sa polling precinct sa bayan ng Pikit noong May 10 polls.
Si PO1 Gerna Garcia ay ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan matapos na hindi umalis sa binabantayan nitong polling centers upang bigyang proteksyon ang mga PCOS machine sa Talitay Elementary School sa Barangay Talitay, Pikit, North Cotabato.
Lumilitaw na sumiklab ang sagupaan ng magkalabang apat na kandidatong alkalde malapit sa polling center na binabantayan ni PO1 Garcia.
Buo ang loob na prinotektahan ni Garcia ang mga PCOS machine at iba pang election paraphernalia kung saan tinulungan ang mga Board of Election Inspectors (BEI’s), Comelec officers at mga botante na magtago sa kalapit na munisipyo habang nagkakaputukan.
Napayapa lamang ang kaguluhan matapos na magresponde ang pinagsanib na elemento ng Cotabato Provincial Public Safety Management Company sa pamumuno ni P/Inspector Elias Dandan at ng Army’s 7th Infantry Battalion ni Lt. Col. Domingo Gobway. Wala namang nasaktang mga botante at maging ang mga election personnel.