2 bading kinidnap ng Sayyaf
MANILA, Philippines – Na-wow mali ang mga bandidong Abu Sayyaf matapos na mapagkamalang mga babae ang dalawang bading na kanilang kinidnap sa bayan ng Sumisip sa Basilan, ayon sa ulat kahapon.
Kasabay nito, kinumpirma ni Basilan Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Antonio Mendoza na humingi na ng P2 milyong ransom sa pa milya ng isa sa mga bading na si Rolando Francisco, 23, ang grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama.
Ayon kay Mendoza, nakatanggap ng tawag sa telepono ang ina ni Francisco gamit ang cell phone ng anak na nagpakilalang isa sa mga bata ni Indama at humihingi ng P1 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng biktima.
Nabatid na bading din ang isang bihag na si Dariel Quintea, 23 at ang isa ay kawani naman ng Manggal Agrarian Reform Beneficiary Development Cooperative na si Claudio Mananita, 32.
Ang tatlo ay dinukot ng grupo ni Indama noong Huwebes matapos harangin ang pampasaherong jeepney sa Sitio Mompol, Barangay Libug.
Posibleng napagkamalang mga babae ang dalawang bading na mga beautician at patungo sana sa Brgy. Manggal para mag-ayos sa gaganaping kasalan kasama si Mananita.
Nabatid na nagpadala na rin ng emisaryo ang grupo ni Sakalahul sa kuta ni Indama upang kumbinsihin ito na palayain ang kanilang mga hinostage.
- Latest
- Trending