4 babae natusta sa sunog
MANILA, Philippines – Malagim na kamatayan ang sinapit ng apat na babae matapos na ma-trap sa nasusunog na boarding house sa Barangay Camanjac, Dumaguete City, Negros Oriental kahapon ng madaling-araw.
Sa report ng Dumaguete City PNP, kinilala ang mga nasawi na sina Joan Ortega, 31; Maricar Araneta, 22, kapwa tubong Zamboanga Sibugay at ang magkapatid na sina Sarah Jane Senando, 19; at Nelissa Senando, 23, kapwa tubong Zamboanga del Norte.
Samantala, labindalawang boarders ang nakaligtas sa tiyak na kamatayan
Ayon kay fire chief Senior Insp. William Tacaldo, natagpuang magkakayakap ang mga biktima sa loob ng palikuran ng boarding house na pag-aari ni Ramoncito Remata ng Purok Al Capone sa Brgy. Camanjac.
Base sa police report, naganap ang sunog bandang alas-3: 36 ng madaling-araw kung saan bumuhos ang malakas na ulan kaya nag-brownout.
Ayon sa mga arson investigator, lumilitaw na napabayaan ang nakasinding kandila sa sala ng boarding house ang pinagmulan ng apoy matapos itong matumba.
Nabatid na natutulog na ang mga boarder nang sumiklab ang apoy kung saan nabigong makalabas hanggang sa ma-trap sa loob ng boarding house dahil ang bintana nito ay gawa sa bakal at walang fire exit.
Nabigong mailigtas ng mga rescue team ang mga biktima dahil binabalot na ng apoy ang buong boarding house kung saan mga palahaw sa paghingi ng tulong ang narinig.
Naapula ang sunog makalipas ang ilang oras kung saan narekober ng mga pamatay-sunog ang halos hindi na makilalang bangkay ng apat.
Naniniwala naman si Tacaldo na ginagamit na pasugalan (suertes) ang boarding house matapos na makakuha ng mga tally sheet, limang kahon na naglalaman ng barya at mga sunog na perang papel.
- Latest
- Trending