Anak dedo kay tatay
CABANATUAN CITY , Philippines — Nabaril at napatay ng isang ama ang kanyang anak nang gumanti ito sa ginawang pananaga sa kanya ng biktima makaraang makainom ang mga ito ng alak sa kanilang tinutuluyang bahay sa Barangay Plaridel, bayan ng Llanera, Nueva Ecija, kamakalawa ng gabi. Sa ulat ni P/Senior Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija Police provincial director, nakilala ang nasawi na si Danilo Lagayan Jr., 19, samantalang arestado naman ang ama nitong si Danilo Sr., 46, magsasaka. Kasalukuyang nakakulong ito sa Llanera Municipal Jail.
Ginagamot naman ang ina ng biktima na si Remedios 44, na tinamaan ng bala sa kanyang tiyan, nang tinangka nitong awatin ang kanyang mag-amang nag-aaway.
Nabatid sa imbestigasyon na dakong alas-7 ng gabi, nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama na nag-iinuman na humantong sa pagdampot ng jungle bolo (itak) ng biktima at tinaga ang ama na tinamaan sa kaliwang braso at balikat. Nakatakbo naman ang suspek subalit lingid sa kaalaman ng biktima ay may hawak na baril ang ama.
Dito ay binaril ng dalawang ulit ng suspek ang anak. Narekober ang ginamit na 20-inch jungle bolo ngunit hindi ang baril na nakapatay sa biktima na ayon sa suspek ay inihagis niya ito sa ilog.
- Latest
- Trending