MANILA, Philippines - Muling sumalakay ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) makaraang dukutin ang tatlo katao kabilang ang isang empleyado ng Manggal Rubber Development Company (MARDEVCO) na lulan ng isang pampasaherong jeepney sa bayan ng Sumisip, Basilan nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Sr. Supt. Antonio Mendoza, Provincial Director ng Basilan Provincial Police Office (PPO), nakilala ang isa sa mga biktima na si Claudio Mananita, empleyado ng MARDEVCO.
Batay sa ulat, dakong alas-7 ng umaga nang maganap ang pagdukot habang bumabagtas sa kahabaan ng highway ang pampasaherong jeepney ng mga biktima at harangin ng 30 armado at maskaradong bandido sa Sitio Mompol, Barangay Libog sa bayang ito.
Ang mga kidnappers na pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas ay pinamumunuan umano ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama. Ang grupo ni Indama ay notoryus dahilan sangkot ang mga ito sa pamumugot ng ulo ng mga hostages na walang maibayad ng ransom at siya ring nasa likod ng pagpugot sa ulo ng sampu sa 14 miyembro ng Philippine Marines na na patay sa encounter sa Al Barkha, Basilan noong Hulyo 10, 2007.
Sinabi ni Mendoza na matapos harangin ang jeepney ay pinababa ang lahat ng sakay nito pero tanging ang tatlo lang ang tinangay ng mga kidnappers. Ang tatlo ay kinaladkad ng mga armadong kidnappers patungo sa direksyon ng kagubatan.
Samantala, bumuo na rin ng Crisis Management Committee ang pamahalaang lalawigan para sa search and rescue operations sa mga binihag ng mga bandido.