MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit P700,000.00 ang natangay ng tatlong pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng robbery/holdup gang makaraang looban ang isang bangko sa naganap na insidente sa bayan ng Jimenez, Misamis Occidental kamakalawa. Ayon sa ulat ng Police Regional Office (PRO)10, bandang alas-11:45 ng umaga nang holdapin ng mga suspect ang 1st Valley Bank na matatagpuan sa Agora Public Market sa bayan ng Jimenez. Lumilitaw sa imbestigasyon na nagpanggap na mga kustomer ng bangko ang mga suspect hanggang sa mabilis na tinutukan ng baril ang guwardiya ng bangko at pagpasok sa loob ay nagdeklara ng holdap. Tumakas ang mga suspect patungo sa direksiyon ng bulubunduking bahagi ng bayan ng Sinacaban, Misamis Occidental. Isa naman sa mga suspect ay nakilala ng mga testigo na si Kalung Alicando na ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad at maging ang mga kasamahan nito.