KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines — Nagsanib puwersa ang Bulacan PNP at Department of Education sa paglilinis ng mga kapaligiran at pag-aayos sa mga kagamitan sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ng Malolos kaugnay sa nakatakdang pagbubukas ng klase sa susunod na buwan. Pinangunahan ni PNP Provincial Director Sr. Supt. Fernando Villanueva at ng Police Community Relations at Provincial Public Safety Management Company ang boluntaryong pagsasaayos ng mga kagamitan sa Barasoain Memorial Elementary School na nasa Barangay Mojon sa naturang lungsod. Ayon kay Villanueva, sa halip na baril, martilyo, lagare, brutsa at pintura ang pansamantalang hahawakan ng kanyang mga tauhan para kumpunihin ang mga depektibong silya, pinturahan ang mga kupas ng dingding at maging ang mga linya ng kuryente. Matatandaan na ginamit din ng mga botante sa nakaraang halalan ang mga paaralan na nag-iwan ng mga tambak na basura.