2 PAGs arestado
MANILA, Philippines - Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng isang Partisan Armed Groups (PAGs) ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya kasunod ng pagkakasamsam ng sari-saring mga armas sa raid sa Brgy. Calibuyo, Tanza, Cavite kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasakote na sina Escolastico Mintu, 63, ng Public Market Security Personnel at Ramil Mintu, 34, isang obrero; pawang residente ng Sitio Bagong Pook, Barangay Calibuyo ng bayang nabanggit. Sa ulat ni Police Regional Office (PRO-IVA) Director P/Chief Supt. Rolando Anonuevo, sinalakay ng mga operatiba ng Tanza Municipal Police Station (MPS) at Provincial Public Safety Company ang tahanan ng mga suspect sa Barangay Calibuyo, Tanza, Cavite bandang alas-4:30 ng madaling araw.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Cezar Mangobang ng Regional Trial Court (RTC) Branch 22, Imus, Cavite sa tahanan ni Mintu sa Barangay Calibuyo, Tanza, Cavite at pinaghihinalaang miyembro ng Ambagan Group na nago-operate sa lalawigan ng Cavite. Base sa intelligence report ang Ambagan Group ay isang grupo ng notoryus na gun for hire syndicate na pumapatay at nagsisilbing PAGs ng ilang pulitiko sa Cavite.
Nasamsam sa mga suspect ang isang cal 5.56 Colt rifle na may isang magazine na naglalaman ng 30 bala; isang magazine ng M16 rifle; isang 12 gauge shot gun na may 15 bala; isang rifle grenade; isang caliber 22 rifle; isang Colt. 45 pistol na may isang magazine na may 10 bala at sari-saring firearms holster saka mga paraphernalia. Nasa kustodya naman ng Tanza Police ang mga nasakoteng suspect na ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal.
- Latest
- Trending