CAMARINES NORTE , Philippines — Sa halip na makapagbagong buhay ang bagong laya sa kulungan, isang mister na sinasabing maingay sa inuman ng alak ang pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng mag-utol na lalaki kamakalawa ng gabi sa Purok 6, Brgy San Isidro sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Labing-isang saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Rizal Yanela, 34, ng Purok 5 habang tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Daniel Pacao, 27; Alfredo Pacao, 21 at ang mga nagsilbing lookout na kanilang pinsan na sina Ronaldo at Rommel Pacao.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni P/Insp. Van Alteza Layosa, dumalo sa birthday ng ama ng mga suspek ang biktima kung saan nakipag-inuman ng alak.
Nang malango sa alak ay nagkainitan ang biktima at ama ng mga suspek kung saan nauwi sa pamamaslang.