MANILA, Philippines - Isang rebelde ang iniulat na nasawi habang limang sundalo naman ang malubhang nasugatan matapos na salakayin ng mga rebeldeng New People’s Army ang Army detachment sa Sitio Chapter, Barangay Maputi, sa Davao Oriental noong Lunes ng hapon.
Ayon kay P/Supt. Querubin Manalang, spokesman ng Police Regional Office-11, naganap ang marahas na pag-atake ng NPA rebs sa detachment ng Philippine Army at Cafgu sa nasabing barangay.
Sumiklab ang ilang minutong putukan na ikinasugat nina Pfc Jumali Abdul Gafar, 42; Pfc Jimmy Nasayon, 39; Pfc Ronnie Cagampang, 32; Pfc Reynold Saulda, 25; na pawang nakatalaga sa Army’s 25th Infantry Battalion at ang Cafgu na si Marlito Cagapit.
Isa namang rebelde na hindi pa natukoy ang pangalan ang napaslang na binitbit ng kanilang mga kasamahang nagsitakas.
Nagawa namang makatangay ng mga rebelde ng isang K3 machine gun, dalawang M14 rifles, apat na Garand rifles at isang radio. Ang mga rebelde ay namataang nagsitakas patungo sa direksyon ng Barangay Pantukan, Compostela Valley at Brgy. Kauswagan, Banay-banay, Davao Oriental. Patuloy naman ang malawakang pagtugis laban sa mga nagsitakas na rebelde.