Birthday blast: 4 katao utas
MANILA, Philippines - Sinakmal ng lagim ang masayang birthday party matapos sumabog ang imbakan ng paputok na ikinasawi ng apat katao habang pitong iba pa ang nasugatan kamakalawa ng hapon sa Barangay Mohon, Arevalo District, Iloilo City.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, tatlo sa mga biktima ay pawang naabo ang mga bangkay na nakilalang sina Sofia Gallena, Luther Gallena at Rodessa Gallena.
Si Rodrigo Gallena na may-ari ng imbakan ng paputok na nagsisilbing pagawaan ay nasawi rin dahil sa matinding pagkasunog ng katawan habang patuloy namang ginagamot ang pitong sugatan.
Lumilitaw na sinindihan ng ilang bisita ang paputok para sa selebrasyon pero sa kamalasan ay lumikha ito ng matinding pagsabog at sunog dahil sa mga kemikal na gamit sa paggawa ng paputok na nakaimbak sa nasabing bahay.
Dahil dito, nasunog ang tahanan ng mga biktima at nadamay pa ang bahay na katabi nito.
Tumagal ng ilang oras bago naapula ang apoy matapos na magresponde ang mga bumbero. Dagdag ulat ni Ronilo Pamonag
- Latest
- Trending