MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang punong-guro na nagsilbing chairman ng board of election inspectors (BEIs) noong May 10 polls makaraang pagsasaksakin ng mga ’di-pa kilalang lalaki sa loob ng kanyang tahanan sa bayan ng Midsayap, North Cotabato kamakalawa.
Pitong saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Emma Galvez, principal ng Flauta Elementary School sa Barangay Lower Glad.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, lumilitaw na pinasok ng mga ’di-pa kilalang lalaki ang bahay ng biktima saka isinagawa ang pamamaslang.
Hindi pa nakuntento ay binuhusan pa ng pesticide ang katawan ng biktima bago tumakas ang mga killer.
Hindi naman matukoy kung may kinalaman sa nakalipas na halalan ang krimen.