Cop sinibak sa pagbabanta sa reporter
MANILA, Philippines - Sinibak sa puwesto ang hepe ng pulisya makaraang ireklamo ng panghaharas ni PNP Press Corps President at dzMM reporter Noel Alamar sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro kamakalawa.
Ayon sa spokesman ng PNP na si P/Chief Supt. Leonardo Espina, sinibak si P/Chief Inspector Telesforo Domingo upang hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon.
Naganap ang insidente sa tahanan ni Alamar na sinasabing nagbabakasyon sa kanyang bayan sa Pola.
Lumilitaw na nakatanggap ng mga reklamo si Alamar sa mga taga-Pola kaugnay ng pagkakasangkot sa partisan political activity ni Domingo, noong nakalipas na halalan.
Kaagad naming ipinaabot ni Alamar ang mga reklamo kina P/Chief Supt. Paul Mascariñas, director ng police regional office IV- B at Oriental Mindoro police director P/Senior Supt. Sonny Ricablanca.
Ayon kay Alamar, dumating si Domingo na sinasabing namumula sa galit sa kanyang bahay lulan ng patrol car kung saan ay nasa impluwensya pa ito ng alak at pasigaw na nagbanta at nagsabing Sino ka ba? Bago tuluyang lumisan.
Nang nagtungo si Alamar sa bahay ni Pola Mayor-elect Dodjie Panganiban ay nakita niya si Domingo kasama ang iba pang pulis na may mga bitbit na matataas na kalibre ng baril pero hindi naman sila naka-uniporme ng pulis.
Tinangkang kunan ng video footages ni Alamar ang mga pulis subali’t binantaan ni Domingo na babarilin sabay hablot ng kanyang video camera kung saan nagbanta pa na kakasuhan.
Humupa ang tensyon nang mamagitan si incumbent Mayor Alex Aranas at tumawag kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa.
Gayon pa man, hanggang Hunyo 9 pa magtatapos ang election period kung saan lahat ng reshuffle, paglilipat ng puwesto maging ang pagsibak sa mga pulis ay kailangang aprubado ng Comelec.
- Latest
- Trending